Gaano ka nga ba katatag?
|
mensfitness.com |
Ang pagiging mahina ba paminsan-minsan ay isang patunay na hindi ka matibay? Maari siguro, pero sa pagbagsak natin maraming bagay din ang matutunan kung titignan lang natin sa mas tamang angulo ng situation. Hindi iyon para ipahiya o ikahiya natin ang sarili sa mga di inaasahang pangyayari kung di para matuto tayong bumangon kahit anong sapitin. Dahil wala rin namang makakapagpatayo sa atin, kahit isang daang tao pa ang umakay sa yo kung hindi mo rin itatayo ang sarili mong mga hita at likod. Balewala ang lahat ng suportang matatanggap mo. Nakakatakot mang aminin pero ikaw pa rin ang may responsibilidad sa sarili mong buhay. Kaya tayo nasa kinalalagyan natin kinakapos o masagana, ay dahil sa sarili nating mga desisyon maging mali o tama. Ikaw ang humuhubog sa buhay mo na ayon sa laman ng isip mo. Kung nasaan ka ngayon malaki ang posibilidad na yun ang laman ng isip mo. Kasi pwedeng masagana ang buhay mo pero kung ang laman ng isipan mo ay palaging may kulang, puro kulang ang makikita mo sa buhay mo. Sa sobrang pagbigay mo ng atensyon sa kung ano ang kulang wala ka ng panahon para magpasalamat sa kung anong meron ka. Sa kabilang banda kung konti lang ang meron ka o sapat lang pero kung ang nakikita mo palagi ay ang mga bagay na dapat pagpasalamatan, hindi malayong magkaroon ka pa rin ng kapayapaan at kaligayahan sa puso mo sa ilalim ng sitwasyon mo.
Nasa pag tingin natin siguro nakasalalay ang pakiramdam natin na ating pinanghahawakan sa pang araw-araw. Kung saan naka-base ang tibay na ating gustong maasam mapayapa ba (peaceful) o may bigat sa kalooban (guilt). Ang paglaban sa sitwasyon minsan para sa akin nakakapanghina lalo dahil may kahalong Ego, may kasamang pagtu-turo o sisihin ang ibang tao. Sa tingin ko hindi natin dapat labanan ang sitwasyon na gusto nating baguhin. Tanggapin ang mga pagkukulang at ilagay ang atensyon sa kung papano maitatama ang pagkukulang. Imbes na hanapin ang solusyon na galing sa paraan ng pagtu-turo ng pagkakamali ng iba. Harapin natin at aminin ang kailangan nating gawin. Magpakumbaba sa sitwasyon at hanapan ng layunin o purpose kung baket nalalasap ang kasalukuyang dilema.
Hihinto ka siguro paminsan minsan at mapapagod din pero nasayo pa rin kung babangon ka ulit. Hindi katatagan ang mang lamang ng kapwa dahil naghihirap ka o nalilito ka o kahit ano pa mang palusot mo. Hindi matinong katwiran yon. Kaduwagan ang ganyang pamamaraan, maniwala ka sa hindi, malabong pagpapalain ang ganyang paguugali. Alam mo na rin siguro yan sa sarili mo.
Dark Knight R.F.
No comments:
Post a Comment