Thursday, February 16, 2012

Ang sabi ko may tiwala, pero ang laman ng puso ko puro duda. ( Sa isip, sa salita at sa gawa)

Kontra ang title ng post kong ito pero madalas kong maramdaman sa sarili ko. Usually kung ano ang nasa puso mo yun ang sasabihin mo. Match palagi parang kaluluwa at katawan natin. Pero mahirap marating ang stage na yun. 

Parang yung napagusapan namin ng kaibigan ko, minsan kaming naglalakad; lahat ng relihiyoso o mga nagbabago, gustong pumunta sa langit pero walang handang pumunta ngayon sa oras na to. Madalas gawing joke ng mga Pari. "Sinong gustong pumunta sa langit? itaas ang kamay, Sino naman ang gusto ng pumunta sa langit ngayon?" Sabay magtatawanan ang mga tao, kasi walang makataas ng kamay.

Malakas kasi ang hatak ng laman at kamunduhan. Ang hirap hindi maging makamundo habang nakatuntong ka dito. May ilan-ilan lang talaga ang nakakaabot sa stage na malagpasan ang kagustuhan mag-enjoy sa buhay. Kahit nga mga nagaagaw buhay, karamihan siguro pilit pa ring lumalaban mabuhay lang.

Gaano nga ba ka importante na tumugma ang sinasabi natin sa laman ng puso natin? Sa tingin ko kasi, doon tutuwid ang buhay natin sa maliit na bagay na yun. Hindi hati ang direksyon ng kilos at paguugali natin. Dami na ngang kaguluhan sa mundo pati ba naman sa kalooban natin papayag tayong magulo pa rin. Tayo ang may control sa buhay natin. Kahit ano pa ang ugali ng mga taong nakapaligid sa atin. Palaging may choice tayo na maging pino pa rin. Kahit ano pang sitwasyon ng ekonomiya, walang kinalaman yun sa pagkatao natin. Maski nga summa cum laude ka pa walang koneksyon yun sa pagkatao mo.

quotessensei.com
Madalas nating makalimutan na ihiwalay ang sarili natin sa kung saan man tayo, maging masaya, malungkot, may pighati, o kagalakan. Kasi ang totoong ako pwedeng bumalik sa mapayapang pagiisip, ang madalas kong ipaalala sa sarili. San man dalhin ng alon. Excuse na lang yung sabihin natin sa sarili na "kaya ko sya ginulangan kasi sa hirap ng buhay"

Tapos magdadasal-dasal tayo ng akala mo kung sinong mga ewan! O kaya naman, mag sasalita at magpapayo na akala mo kung sinong mga ewan! Guilty ako dyan!:) Ang kinatutuwa ko lang sa sarili ko ay pa unti-unti kong nilalagay ang mapayapang saloobin (peaceful attitude) sa isipan ko at aware ako na meron akong kailangang baguhin. Mahirap yung bukod sa wala kang ginagawang pagbabago ang buong akala mo pa, walang mali sa paguugali mo. 

Kaya nga minsan iniisip ko, kailangan mo pa ba talagang sumali sa isang organisasyon o grupo bukod pa sa ating mga religious persuasion (relihiyon)? para lang masabing kagalang galang ka o noble. Para sabihin mo sa sarili mo na ang pagsali ko dito sa grupo na ito o organisasyon na ito ang nakapagpabago ng buhay ko. Ok naman yan sa tingin ko, walang masama at di ko naman hinuhusgahan din. Kung sa tingin nating makakatulong ito para mas marami kang makilala, networking ika nga. Mga kasama na halos kaparehas mong magisip o halos magkaparehas ng pananaw sa buhay. 

Ang sinasabi ko lang, kahit magisa ka at wala kang ibang kasama kung gugustuhin mong magtino, kaya mo yun ng sarili mo lang. Sa tingin ko binigyan naman tayo ng lakas at talino para maisatupad yan sa sarili natin. Madalas lang nating balewalain. Nakakatawa minsan nakikita ko yun sa sarili ko, magdadasal ako ng mataimtim pero kapag nakakita ako ng pagkakataon na mang lamang ng kapwa, kukunin ko. Hindi match diba! Ang lakas talaga ng hatak ng kasalanan. Kaya ang madalas kong ipagdasal ang magkaroon ng sapat na guidance at humility. Kasi alam naman natin lahat kung anong kailangan natin para mabago ang kalooban. Hindi lang natin ma figure out kung pano ang paraan upang mahikayat ang sarili na mapanatili ang tama kesa sa mali. Nakasanayan na kasi natin, pero laos na rin yang katwiran na yan! Ang mas totoo, yung handa tayong baliin ang pagkamaako (Ego) na kaugalian, alang-alang sa matuwid na pamumuhay sa pagtugma ng sinasabi natin sa laman ng ating puso. :)


Dark Knight (R.F.)

No comments:

Post a Comment